Ebanghelyo: Mateo 1: 1-16. 18-23
Si Jacob ang Ama ni Jose. Ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Hesus na tinawag na Kristo.
Ito ang pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Hesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Ronel Delos Reyes ng Society of St. Paul ang pagninilay. Ano ba ang pag-asang dala ng buhay mo? Kapag may ipinanganak na bata, hindi pa natin alam kung ano ang magiging kuwento ng kanyang buhay. Pero sa bawat pagsilang, may bagong pag-asa – isang buhay na maaaring maging pagpapala sa mundo.
Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa unang tingin, isang ordinaryong pagsilang lamang ito. Ngunit ang simpleng buhay na ito ay magiging bahagi ng napakalaking plano ng Diyos.
Makikita natin ito sa Ebanghelyo. Si Maria ay nagdadalang-tao kay Hesus, at sinabi ng anghel kay Jose na ang batang isisilang ay tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihin ay “Kasama natin ang Diyos.” … Sa pamamagitan ni Maria, dumating si Hesus, ang ating Tagapagligtas. Kaya ang pagsilang ni Maria ay naging pasimula ng isang bagong pag-asa para sa buong sangkatauhan.
Minsan, iniisip natin na ordinaryo lamang ang buhay natin. Ordinaryo ang trabaho, ang pamilya, ang paglilingkod, at ang mga ginagawa natin araw-araw. Pero sino ang nakakaalam kung paano ginagamit ng Diyos ang ating simpleng buhay para maging pagpapala sa iba? Kaya sa bawat kaarawan, hindi lamang natin dapat itanong, “Ilang taon na ako?” Mas mahalagang itanong: “Ano ba ang pag-asang dala ng buhay ko?” Kanino ako nagiging pagpapala? Sino ang napapalakas ko? Sino ang nakakaranas ng pagmamahal ng Diyos dahil sa buhay ko?
Tulad ni Maria, nawa’y maging bukas tayo sa plano ng Diyos. Sapagkat ang buhay na ipinagkakatiwala sa Diyos ay maaaring maging daan upang maranasan ng iba ang presensya ng Emmanuel – ang Diyos na kasama natin.
- Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul