Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 29, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Juan 1: 47-51

Nakita ni Hesus na palapit sa kanya si Nathaniel at sinabi niya tungkol sa kanya. “Ayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Grabe! Ikaw ang anak ng Diyos. Ikaw ang hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa’yong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo. Makikita ninyong nakabukas ang langit at panhikpanaog sa anak ng tao ang mga anghel ng Diyos.”

Pagninilay:

Gaano mo kakilala ang iyong sarili? Gaano ka kakilala ng iba? Mayroong psychological model na i-dinivelop ang mga eksperto upang lubos nating makilala ang ating sarili at ang pagkilala ng iba sa atin. Ito ang Johari’s Window na may apat na bahagi. Una, ang mga bagay na alam natin at alam ng iba. Ikalawa, ang mga hindi natin alam, ngunit nakikita ng iba. Ikatlo, ang alam natin sa ating sarili, ngunit hindi alam ng iba. At panghuli, ang mga bagay na hindi natin alam at ng iba tungkol sa ating sarili.

Ngunit kung papakinggan natin ang Ebanghelyo ngayon, may panlimang bahagi, o higit pa sa Johari’s Window. Ito ang pagkilala ng Diyos sa atin. “Bago pa man natin makilala ang Diyos, kilala na Niya tayo.” Ito ang magandang mensahe ng Ebanghelyo tungkol kay Natanael. Bago pa man siya lumapit kay Hesus, nakita na siya ng Panginoon at kilala na Niya ang kanyang pagkatao. Ipinapaalala nito na hindi lamang panlabas na anyo ang nakikita ng Diyos, kundi ang buong pagkatao ng bawat isa. Sa Kapistahan nina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael, ipinagdiriwang natin ang mga arkanghel bilang tapat na mga lingkod ng Diyos. Si San Miguel ang simbulo ng katapangan sa paglaban sa kasamaan. Si San Gabriel na nagpapaalalang maging bukas sa mensahe at kalooban ng Diyos. At Si San Rafael, na tanda ng pagdamay at pagpapagaling ng Diyos. Magkakaiba man ang kanilang misyon, iisa ang kanilang puso: ang mapagpakumbabang paglilingkod sa Diyos. Tulad ni Natanael, mayroon din tayong mga bagay na nais nating itago sa iba.

Ngunit hindi natin kailangang magpanggap sa harap ng Diyos, sapagkat alam nya lahat

ng ating kalakasan at kahinaan. Kilala Niya tayo nang buong-buo. Sa kabila ng ating mga kahinaan, hindi tayo tinatalikuran ng Diyos; sa halip, inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya. Kaya ngayong kapistahan ng mga Arkanghel, ipanalangin natin na tumulad tayo sa kanilang pagmamahal sa Diyos.

Panginoon, tulungan niyo po kaming maging tapat at mapagpakumbaba, upang buong-pusong lumapit at maglingkod sa inyo. Amen.

  •  Cl. John Ervin Valerio, ssp l Society of St. Paul