Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 2, 2026 – Biyernes | Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Mateo 18:1-5,10

Lumapit kay Hesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

Pagninilay:

Kapatid, naniniwala ka ba na ang bawat isa sa atin ay may guardian angel? Naalala ko ang Coloring Book na Angel of God. Tuwing ikinukuwento ko iyon sa mga bata, lagi kong ipinapakita ang larawan ng isang batang gumawa ng masama. Umiiyak ang kanyang guardian angel, subalit nakangisi naman ang demonyo. Nagpapahiwatig ito na kapag sinusuway natin ang ating guardian angel, pinasasaya natin ang demonyo.  Kapatid, hindi lang ito kuwento para sa mga bata. Kwento rin ito para sa mga hindi na bata dahil lahat tayo ay may guardian angel. Sila ang ating anghel na tagabantay o tagatanod. Kapag nararamdaman natin na parang may pumupigil sa ating gumawa ng masama sa ating kapwa, tandaan natin na aktibo ang ating guardian angel sa pag-akay sa atin sa kabutihan at paglayo sa atin sa masama. Subalit gaya ng Diyos, iginagalang din niya ang ating kalayaan. Nasa atin ang huling pagpapasya kung kanino tayo makikinig: sa bulong ng anghel o sa sulsol ng demonyo. Tuwing nang-aapi tayo ng mahihina at dukha, sinusuway natin ang inspirasyon ng ating anghel na tagabantay. Kapag ginagawa natin ito, hindi lamang ang ating guardian angel ang nalulungkot kundi ang Diyos din. Sabi nga sa ating binasa, malapit sa trono ng Diyos Ama ang angel ng mga mahihina at dukha na tanging kanilang pag-asa at lakas. Kapatid, hingin natin sa Diyos ang grasyang maunawaan at sundin ang bulong at inspirasyon ng ating guardian angel upang mailayo tayo sa pag-isip at paggawa ng masama. “Mahal naming guardian angel, bantayan at gabayan mo kami lagi. Amen”.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul