Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 15, 2026 – Huwebes, Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 11:47-54

Sinabi ni Hesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon n’yo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. At sinabi rin ng karunungan ng Diyos: Nagsusugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan  pa ninyo  ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Hesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinagpagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.

Pagninilay:

Isa sa mga pabo-rito kong kuwento tungkol sa aming founder na si Blessed James Alberione ay tungkol sa nakakagulat na pamamaraan ng kanyang pagdidisiplina sa isa sa kanyang mga seminarista, na kalauna’y naging isa sa mga unang isinugong paring Paolino sa Pili-pinas. Dahil kilalang pasaway ang seminaristang ito, ang mahinahong Blessed James ay, sa kanyang inis, bigla umanong sinampal ang seminarista nang gumawa ito nang isa pang kalokahan matapos nang ilang ulit na matinong usapan. Ika nga, “ang hindi nadadaan sa santong dasalan ay madadaan sa santong paspasan.” … Sa Mabuting Balita ngayon, tila napakatindi ng pananalita ni Hesus laban sa mga Pariseo at mga es-kriba. Pero napaisip din ako: kay Hesus, hindi maaaring gentle-gentle ang pagtutuwid kung ang kamalian ay deep-seated, malaliman, at nakagawian na, tulad ng pagkukun-wari’t pagbabalatkayo. Ang mabisang gamot ay hindi ‘yong masarap o madaling inumin kundi ang mabagsik laban sa malubhang sakit. Nakiayon si Hesus sa kanyang kausap: mahinahon at maibigin sa mga makasalanan samantalang naglalagablab laban sa mga mapagpaimbabaw at nagbibingi-bingihan. Ngunit hindi ba ang init ng pag-ibig at lumala-gablab na poot ay kapwa nagmumula sa kanyang Banal na Puso na hangad ang ating kaligtasa’t higit na kabutihan? Mga kapatid, paanyaya sa atin ng Salmista: “Panginoo’y inyong dinggin; huwag niyo siyang salungatin!” Tanggapin natin ang Mabuting Balita ngayon bilang hamon na papag-igtingin ang buhay-pananampalataya natin sa pamamagitan ng patuloy na pagdadalisay ng puso, pagsisisi sa kasalanan, at paglapit sa Sakramento ng Eukaristiya at Kumpisal. Ika nga ni Ven. Fulton Sheen, hindi kailangan ng mahabang panahon upang maging banal, kundi ang ating dakilang pagmamahal na makatugon sa tawag ng Kanyang pag-ibig.

  • Cl. Russel Patolot, ssp | Society of St. Paul