Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad pagdating ng Anak ng Tao sa Kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat niyang mga Anghel. Uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing. Gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao.
Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya. Hali kayo pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo. Mula pa sa simula ng daigdig sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain. Nauhaw ako at inyong pinainum. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang akoy hubad dinamitan ninyo ako. Nang may sakit ako binisita ninyo ako. Nang akoy nasa bilanguan, dinalaw ninyo ako.” At itatanong sa kanya ng mabubuti: Panginoon kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainum, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan. Kailan ka namin nakitang may sakit o nasa bilanguan at nilapitan? Sasagutin sila ng Hari: “talagang sinasabi ko sa inyo. Anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliit na ito na mga kapatid ko sa akin ninyo ginawa.” Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: Mga isinumpa lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa dyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw at hindi ninyo ako pinainum. Naging dayuhan ako at hindi ninyo pinatuloy. May sakit at nasa bilanguan at hindi ninyo binisita. Kaya itatanong din nila: Panginoon kailan ka namin nakikitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at hindi namin pinaglingkuran? Sasagutin sila ng Hari: Talagang sinasabi ko sa inyo; Anuman ang hindi ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin”. At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.
Pagninilay:
Ipinagdiriwang natin ngayon ang All Souls’ Day. Nagpapaalala sa atin ito na hindi lamang tayo binubuo ng katawan. Meron din tayong kaluluwa – ang espiritu na nagbibigay-buhay sa ating katawang-lupa. Mabubulok ang ating katawang-lupa kapag pumanaw na tayo rito sa lupa, subalit pupunta sa kabilang buhay ang ating kaluluwa. Itinuturo sa atin ng Inang Simbahan na tatlo ang posibleng puntahan ng kaluluwa kapag humiwalay na ito sa ating katawan. Una ang langit para sa mga namuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Pangalawa, Impiyerno, para sa mga namuhay na laging salungat sa kalooban ng Diyos, at ang pangatlo ay purgatoryo, para sa mga kaluluwang patungong langit subalit kailangan pang linisin ang kanilang kaluluwa bago mapunta sa langit. Ano ang criteria: Nasa Mabuting Balita natin ngayon. Gaya ng mga pinili ng Diyos na manatili sa kanyang kanan at binigyan ng buhay na walang hanggan, doon tutungo ang mga kaluluwa ng mga taong gumawa ng kabutihan sa kapwa, lalo na sa mga dukha.
Kapanalig, may kinalaman ang ating pamumuhay dito sa lupa sa kahihinatnan ng ating kaluluwa. Ang mabuti ay tutungo sa langit, at itatapon naman sa impiyerno ang mga masasama. Kaya, kapanalig, kung nais mong makasama si Jesus sa buhay na walang hanggan, umpisahan mo nang mamuhay na ayon sa kalooban ng Diyos. Imagine kahit ang pagbibigay ng tubig sa nauuhaw at pagkain sa nagugutom ay hindi nakakalimutan ng Diyos.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul