Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 5, 2026 – Huwebes, Ika- 31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 15:1-10

Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyampu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito. At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyampu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung barya ng pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, nagsilapit ang mga makasalanan at mga publikano upang makinig kay Hesus. Pinagalitan ba niya sila? Sinermunan at pinarusahan? Hindi po!

Sa halip, nagkwento si Hesus tungkol sa pastol na may sandaang tupa, at nawalan ang isa. Iniwan niya ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang nawawala. Hindi siya tumigil hangga’t hindi niya ito natagpuan. Pagkatapos, pinasan niya ito sa kanyang balikat at pagdating sa bahay, masaya siyang nag-celebrate kasama ng mga kaibigan at kapitbahay dahil nahanap niya ang tupang nawala.

kapanalig, ito rin po ang sinasabi ni Hesus sa atin. Lahat tayo ay nagkamali at nagkasala, naligaw ng landas at tinalikuran natin siya. Lumapit po tayo sa kanya, dahil hinahanap niya tayo. Hayaan nating matagpuan niya tayo. Huwag tayong magtago o magkunwaring malinis. Kahit gaano pa kaitim ng ating pagkakasala, hindi nito matatawaran ang habag at pagmamahal ng Diyos. Magsisi tayo at tumalikod sa ating mga kasalanan nang maranasan natin ang tunay na kalayaan, kapayapaan at kagalakan sa kanyang mga yakap. Amen.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul