Daughters of Saint Paul

Oktubre 12, 2017 Huwebes sa Ika-27 Linggo ng Taon / Mahal na Birhen ng Pilar

 

LUCAS 11:5-13

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro na nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo and naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, dalawang mahahalagang aral ang nais ituro sa atin ng Ebanghelyo. Una, ang kahalagahan ng walang-sawang pagdarasal at pagsusumamo sa Diyos na ipagkaloob ang ating kahilingan.  Dito, inaanyayahan tayo ng Panginoon na patuloy na umasa, at huwag panghihinaan ng loob kung hindi pa ipinagkakaloob ng Diyos ang ating hinihingi.  Dahil may layunin Siya sa di pagtugon kaagad.  Minsan, sinusubukan nito ang ating pasensiya na mag-antay, binibigyan tayo ng sapat na panahon na pag-isipang mabuti ang ating hinihingi, at paraan din ito ng Diyos na pakalinisin ang ating hangarin at tingnan kung ang atin bang hinihiling, ayon sa Kanyang kalooban.   Ikalawa, ang pagiging bukas na tanggapin ang anumang tugon ng Diyos sa ating panalangin.  Dahil pawang mabubuting bagay lamang ang ipinagkakaloob ng Diyos sa atin na Kanyang minamahal. Ayaw Niya tayong mapahamak o mabulid sa kasalanan dahil sa ating maling desiyon. Kaya maging bukas sana tayong tanggapin ang anumang tugon ng Diyos sa ating kahilingan.  Dahil “Oo” man o “hindi”, o mag-antay pa ang tugon Niya sa ating panalangin, ito’y laging para sa ating higit na ikabubuti. Ani Jesus, “Kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa Langit?  Mga kapatid, panghawakan natin ang mensaheng ito ng Panginoon, lalo na sa panahon na nawawalan na tayo ng pag-asa at gusto na nating sumuko.