MARCOS 1: 40-45
Lumapit kay Jesus ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY:
Sa kapanahunan ng ating Panginoong Jesus, ang taong may ketong itinuturing na marumi at makasalanan. Kaya naman, iniiwasan sila ng lipunan. Sa ganitong pagkakataon, ang taong may ketong, namumuhay nang malayo sa kanyang pamilya at mga kaibigan, nag-iisa at nangungulila. Ganito rin ang nagagawa ng kasalanan sa atin. Tayo’y nagiging marumi at hindi lamang ang taong nagkasala ang nagdurusa, nagdurusa rin ang lipunan para sa atin. Tayo’y nakararanas ng spiritual disfigurement at isolation, dulot ng kasalanan. Kaya naman tulad ng taong may ketong, buong pagpapakumbabang sambitin natin, “Kung gusto mo mapalilinis mo ako.” Mga kapanalig, ang Sakramento ng Kumpisal ang mabuting paraan upang tayo’y luminis sa ating mga kasalanan. Tulad ng taong may ketong, iniutos ni Jesus na pumunta sa pari upang masuri at mag-alay ng handog sa kanyang pagkalinis. Gayundin naman tayo. Pinanunumbalik ng Sakramento ng Kumpisal ang ating dignidad bilang mga anak ng Diyos, nililinis tayo sa anumang nagawang kasalanan. Kaya naman dulot nito’y panibagong kasiyahan at galak dahil muli nating maaayos ang nasirang relasyon, sa sarili natin, sa ating kapwa at sa Diyos. Tulad ng ketong, pinapapangit ng kasalanan ang ating pagkatao. Di lamang iyon, nagkakaroon rin ng lamat ang ating relasyon sa kapwa at sa Diyos. Kapanalig, simulan natin ang bagong araw na ito nang may pagsisisi sa ating puso. Lumapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, at tanggapin ang habag at pagpapatawad ng Diyos. Panginoon, dumudulog po ako Sa’yong awa at habag, na linisin ang ketong ng kasalanang sumisira sa aking pagkatao at kaluluwa. Isinusuko ko po Sa’yo ang mga ugali kong masama, na nagpapahirap sa aking kapwa. Baguhin Mo po ako, sa tulong ng Iyong Banal na Espiritu, at gamitin ayon Sa’yong layunin. Amen.