JUAN 15:12-17
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
PAGNINILAY:
Kapag ang paksa tungkol sa ugnayan ng Diyos at ng mga tao, napag-uusapan ang pagiging alipin o utusan. Bilang mga nilalang, dapat sumunod ang tao sa Kautusan ng Diyos. Sinasabi sa mga alamat ng mga pagano na kailangan maghirap ang mga tao upang makapaglingkod at maaliw ang mga diyos. Pero sa pananampalataya ng Israel, ang Diyos ang nagmamahal at naglilingkod sa Kanyang bayan. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang sarili bilang kaibigan natin nang isugo Niya sa atin ang Kanyang Anak. Binibigyang-diin ito ng mga salita ni Jesus sa Ebanghelyong ating narinig. Bilang walang hanggang Salita ng Ama, si Jesus ang “Guro at Panginoon” ng lahat, pero hindi Niya itinuturing na utusan ang sinuman at sa halip tinatawag Niyang mga kaibigan ang Kanyang mga alagad. Minamahal ni Jesus ang kaibigang si Lazaro at ibinabahagi sa Kanyang mga alagad ang mga lihim ng Kanyang Ama. Ang mas mahalaga, ibinibigay Niya ang pinakamalalim na katibayan ng pagkakaibigan: ang pag-aalay ng buhay para sa kaibigan. Hindi mamamatay si Jesus na biktima ng maitim na hangarin ng mga masasamang tao. Mariin Niyang ipinahahayag, “Itinataya ko ang aking buhay, at saka muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang kusang nagtataya nito. May kapangyarihan akong itaya ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama. Kapanalig, sa iyong pang-araw-araw na buhay, handa mo bang itaya ang sarili sa gawaing paglilingkod hindi lang sa mga mahal mo sa buhay kundi sa mga taong labis na nangangailangan ng iyong tulong?