Daughters of Saint Paul

HULYO 23, 2019 MARTES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MATEO 12:46-50

Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Jesus: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Ronel Soriano ng Society of St. Paul.  Mga kapanalig, marahil ang pag-iwan sa ating pamilya ang pinakamahirap na gawin. Noong bata pa tayo, nagmamadali tayong lumaki kaagad at makatayo sa sariling mga paa. Pero habang lumalaki tayo, napagtanto natin na lumalaki din ang ating mga responsibilidad, kaya nagsisimula tayong maghangad na bumalik sa mga araw na tayo’y mga bata pa! Sa Ebanghelyo ngayon, kapiling ni Hesus ang kanyang ina nang mahigit sa Tatlumpung taon. Minahal ni Hesus ang Kanyang ina at naging masunurin siya sa kanya. Masasabing dakila si Maria hindi dahil ina siya ni Hesus, bagkus, dakila siya, dahil naging tapat siya sa Diyos.  Ang ninanais ng isang ina sa kanyang mga anak, magtagumpay tayo sa mga mithiin natin sa buhay. Ito rin ang panalangin ni Maria sa kanyang anak na si Hesus. Itanong natin sa sarili, Sino ba ang aking ina? Unang-una pa lang, siya ang nagsakripisyo para sa atin; itinama ng ating ina ang mga mali natin at lagi siyang sumusuporta sa ambisyon natin sa buhay. Siya ang nagdadasal para sa atin; at ninanais lamang niya, ang ating kabutihan. Taglay din ni Maria ang mga katangian ito ng isang ina. Tinuruan ni Maria si Hesus kung paano magdasal, kung paano magpahalaga ng mga tao at bagay dito sa lupa. Ang laman ni Kristo, laman ni Maria. Ang puso ni Kristo, nagmula sa puso ni Maria.Pero ang kadakilaan ni Maria, lampas sa pisikal na kaharian. Kung si Maria, hindi nagsabi ng "oo" sa plano ng Diyos, marahil iba ang kuwento ng buhay ni Hesus. Sino ang aking mga kapatid? "Iniunat ni Hesus ang kaniyang kamay sa kaniyang mga alagad at sinabi, 'Narito ang aking ina at mga kapatid.' Sa bahaging ito, itinuturo tayo ni Hesus. Nakakahiya, di ba? Inilagay tayo ni Hesus sa parehong kategorya ng kanyang ina. Mga kapatid, tinatawag tayo ni Hesus na maging mga kapatid niya. Humingi tayo ng biyaya sa Diyos na maisagawa ang kalooban ng Ama nang maging marapat tayong tawaging kapatid ni Hesus at anak ni Maria, na banal at pinagpala. Amen.