EBANGHELYO: LUCAS 12:35-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”
PAGNINILAY:
Ikatlo po ako sa aming apat na magkakapatid. Matapos ang high school, tinanong ko ang nanay kung maaari akong magpatuloy ng pag-aaral sa college. Sabi po niya, tanungin ko ang aming tatay. Pumunta po ako sa tatay at tinanong kung makakapasok po ako ng college. Malungkot siyang sumagot, na hindi daw po muna. Nalungkot din po ako, pero dahil mahal ko ang aking mga magulang, at ayaw ko silang mag-alala kaya, sinabi ko sa kanila na gusto kung makatulong kahit papaano. Namasukan po ako bilang tindera sa palengke. Mga gamit sa bahay at bukid ang tindahang napasukan ko kaya dapat akong pumunta sa tindahan ng alas singko ng umaga. Natatandaan ko po na sarado pa ang simbahan namin kapag dumadaan ako doon. Sa pintuan ng simbahan lagi akong nag-aalay ng munting panalangin para sa aking pamilya, at maayos na pag-aaral ng aking mga kapatid na nasa Manila. Dito po nahubog ang bokasyon ko sa pagmamadre. Mabait ang aking amo sa tindahan, pero gusto niya na lagi akong nakatayo para makapag silbi sa aming mga mamimili. Tinuruan din niya ako na maging alerto sa pagbabantay ng mga aming mga paninda. Madalas, iniiwan din akong mag-isa ng amo ko. Maganda sa pakiramdam kung ikaw ay pinagkakatiwalaan. Mga kapanalig, ang Diyos ay bukal ng biyaya. Matatagpuan kaya niya tayong handa sa kanyang pagdating? Maaari siyang dumating sa pamamagitan ng pagkakasakit, kamatayan at mabibigat na pagsubok sa buhay. Hindi natin malalaman ang ating kakayahang harapin ang mga pag-subok ng buhay, kung hindi natin ito mararanasan. Masusukat lamang ang katatagan ng tao matapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito. Totoo ang panalangin, na ang taong nagpapakumbaba, may natatamong biyaya. (Sr. Edith Ledda, fsp)
PANALANGIN:
Panginoon, huwag sana naming sayangin ang mga panahon na kaloob mo sa amin. Maging tapat nawa kami sa iyong pagtitiwala. Gawin nawa namin ang lahat ng tama ayon sa iyong biyaya. Tulungan mo po kami na maging mga taong mapapagkatiwalaan Mo at ng aming kapwa. Amen.
