Daughters of Saint Paul

HULYO 3, 2020 – BIYERNES SA IKA-13 NG LINGGO NG TAON | Kapistahan ni Santo Tomas, Apostol

EBANGHELYO : Jn 20:24-29

Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tignan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

 PAGNINILAY:

(Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.)  Mga kapatid, totoo nga kayang mahina ang pananampalataya ni Juan kaya binansagan siyang “doubting Thomas?  Tungkol lang ba ito sa pananampalataya o may iba pang maaring dahilan para “magduda” si Tomas sa muling pagkabuhay ni Jesus? Sa mga nakaranas na mamatayan ng mahal sa buhay; (magulang man ito, kapatid o matalik na kaibigan) natural lang na makaramdam ng “void” na tinatawag o “empty space” sa puso natin… Kaya’t nakakaranas tayo ng matinding kalungkutan. Ang impact o epekto ng pagkawala ng isang tao sa buhay natin ay dumedepende sa lalim ng relasyon natin sa kanila. —- Kung iisipin natin… hindi kaya ito ang pinagdaraanan ni Tomas nang masaksihan niya ang paghihirap at pagkamatay ni Jesus? Matatandaan natin na siya ay isa sa mga Apostoles, malapit kay Jesus at itinuring na kaibigan. Kaya’t anong ginawa ni Jesus para mapatunayan na siya ay buhay?… pinahawakan kay Tomas ang sugat niya na lalong nagpatibay sa pananampalataya nito at malamang naging simula rin ng paggaling ng sugat sa puso nito dala ng matinding kalungkutan sa pagkamatay ni Jesus. Mga kapatid, ito rin ang nais iparamdam sa atin ngayon ni Jesus. Ang ipagkatiwala sa kanya ang ano mang sakit na dinaranas natin ngayon- pisikal man o emosyonal. At pagtibayin ang pananampalatayang sa kamay ni Jesus ay gagaling ang mga sugat na ito at nawa’y maging bukas rin tayo na maging instrumento— maging mga kamay ni Jesus sa paghilom ng sugat ng ating kapwa.