Agosto 19, 2016 BIYERNES Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon San Exequiel Moreno, obispo San Juan Eudes, pari

Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito" "Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?" Sumagot si Jesus: "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: 'Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.' Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta".

PAGNINILAY

Mga kapatid, nakapaloob sa dalawang pinakamahalagang utos na ating narinig ang buod ng sampung utos: Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat at ang kapwa gaya ng sarili. Simpleng pakinggan, madaling i-memorize, pero hindi madaling isabuhay. Pero kung susuriin nating mabuti ang dalawang pinakamahalagang utos na ito, tunay na may karapatan ang Diyos na humingi ng buong pagmamahal sa atin dahil Siya ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay sa mundo, maging ang ating puso, lakas at kaluluwa – mga biyayang galing sa Kanya. Kaya sadyang tama lang na hingin Niya ang para sa Kanya. Sa kabilang dako naman, ang pag-ibig sa kapwa ang siyang nagbibigay ng malinaw na pagpapatotoo na mahal natin ang Diyos. Dahil katulad ng sinabi ni San Juan, "sinungaling ang nagsasabing mahal niya ang Diyos na di nakikita, pero namumuhi naman siya sa kapatid na nakikita." Magkaiba man ang mukha at bigat ng dalawang kautusang ito, hindi sila maaaring paghiwalayin. Parehong kailangang gawin dahil walang ibang paraan, kundi ito lamang ang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Mga kapatid, nasasalamin ba sa ating pang araw-araw na pamumuhay ang pag-ibig sa Diyos nang higit sa lahat, at ang kapwa gaya ng sarili? Kung lagi lang sana nating iisipin ang katotohanang – ikaw, ako at ang kapwa – nilikhang kawangis ng Diyos, mananaig sa atin ang kabutihan ng Diyos. Sa kabila ng ating pagiging mahina, mangingibabaw pa rin ang kabutihang itinanim ng Diyos sa ating puso. Kaya ang tao, gaano man kasama at sa tingin natin parang wala ng pag-asang magbago – may kabutihan pa ring natitira sa kanyang puso, ang kabutihang ipinunla ng Diyos na kailanman hindi mawawala. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makita natin Siya sa puso ng ating kapwa – lalo na sa mga taong mahirap mahalin at nagpapahirap sa ating damdamin.