1 Cor 15:1-8 – Slm 19 – Jn 14:6-14
Jn 14:6-14
Sinabi ni Jesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo na siya at nakita n’yo siya.”
Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”
PAGNINILAY
Narinig natin sa Ebanghelyo na nagtanong si Tomas kung saan pupunta si Jesus, at sumagot Siya: “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay.” Ganundin nang hiniling ni Felipe na ituro Niya sa kanila ang Ama. Malalim ang ibig sabihin ni Jesus. Pero bigyan natin nang pansin ang paggamit Niya ng salitang “Ako ang.” Ganito nang unang nagpakilala ang Diyos kay Moises. Isang Panginoong makapangyarihan na hindi maigagapos sa panahon – wala Siyang simula at katapusan. Patuloy Siyang umiiral. Patuloy Siyang nananahan. Siya ang “Ako” sa Lumang Tipan na nahabag sa Israel at nagpalaya sa kanila mula sa malupit na Egipto. Sinamahan Niya sila sa anyo ng haliging ulap sa umaga, at haliging apoy sa gabi. Ngayong inaako ni Jesus ang pangalang ito ng Diyos, sinasabi Niyang Siya at ang Diyos ng Lumang Tipan, iisa – Diyos na mahabagin at mapagligtas. Mga kapatid, bilang Tagapagligtas natin, simple lang ang ipinahahayag ni Jesus. One plus One equals One. Siya at ang Ama, iisa. Ibig sabihin, ang Ama ang pinagmumulan ng kaligtasan. Si Jesus naman, ang katotohanang kailangan nating makilala, at daan na kailangan nating pagsikapang sundan. At kung pipiliin nating maging tapat kay Jesus, ito ang maghahatid sa atin sa buhay na ganap at walang hanggan.