Gawa 9: 31-42 – Ps 116 – Jn 6:60-69
Jn 6:60-69
Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakarinig sa kanya?”
Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
At dinugtong niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.”
Kaya mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
PAGNINILAY
Sa aming paghahanap ng mga kabataang gustong maglingkod sa Diyos bilang isang pari o madre, ganitong mga katanungan ang madalas naming marinig sa mga kabataan: Saan ako dadalhin ng pangako ni Jesus? Ano ang mangyayari kung hindi ako sumunod kay Jesus? Anong mga pangako ni Jesus ang makakahikayat sa aking sumunod sa Kanya? Totoong likas sa mga kabataan ang maghanap ng kasiguruhan. Pero madalas hindi nila alam ang daan sa katugunan ng mga hinahanap nila. Ang nagyayari, nagkakatotoo ang mga kinatatakutan nilang pagkabigo. Pansinin natin ang mga kabataan ngayon. Lulong sila sa Social media, computer games, youtube at ibang pang apps sa internet, sa pagnanais na maging masaya at malibang ang sarili. Hindi nila namamalayan, marami na silang oras na pinapatay dahil dito. Kapag na-in-love, todo-todo hanggang sa mapasubo sa sitwasyong di nila kayang harapin. Mayroon din na kapag pumasok na sa kumbento o seminaryo, hindi pa rin matahimik at laging naghahanap ng sagot. Tayo rin, di ba? Kadalasan kahit sobra na tayo sa materyal na pangangailangan, nakamit na natin ang tagumpay – hindi pa rin tayo makuntento. May kung anong puwang sa ating puso na tila na naghihintay na mapunan? Mga kapatid, ang puwang na ito nakalaan sa Panginoon. Tanging ang Panginoong Jesus ang makapupuno sa naramradaman nating kakulangan at kawalang saysay ng ating buhay. Natural lang ito dahil nilikha tayo para sa Kanya. Siya lang ang tunay na Daan sa Katotohanan na nakapagbibigay-buhay. Kaya’t saan at kanino pa tayo tutungo?