Daughters of Saint Paul

MAYO 20, 2019 LUNES SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 14:21-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”

 

PAGNINILAY:

Isang batang lalaki ang umakyat sa entablado sa lingguhang panayam kay Pope Francis at kinamayan ang bantay ng Papa.  Ayaw niyang umalis kahit tinatawag na siya ng ina at kapatid. Nagbiro ang Papa na pareho silang taga-Argentina at hayaan lang siyang maglaro. Ipinaliwanag ng Papa sa kanyang mensahe na pipi ang bata, pero, marunong magpahayag ng sarili, at malaya.  Naisip niya kung ganito rin ba siya kalaya sa harap ng kanyang Diyos? Nang sabihin ni Jesus na dapat tayong maging gaya ng bata, tinutukoy niya ang kalayaan ng bata sa harap ng kanyang ama. Sa palagay ni Pope Francis, ito ang aral ng batang lalaki ngayon. At hiniling niya na sana’y ipagkaloob ang biyaya na makapagsalita ito. Sa ebanghelyo, sinabi ni Jesus,“Kung may  nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita.” Nawa, maisapuso at maisagawa rin natin ang aral ni Jesus na maging gaya ng bata na malaya, buong pusong nagtitiwala at sumusunod sa mga utos ng Ama, Amen.  – Dr. Lilia Antonio, Ph.D.