Lk 8:16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag ni natatakpan na di mahahayag at malalantad. Kayat isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, malinaw ang mensahe ng Ebanghelyo; magsilbing maningning na ilaw tayo para sa ating kapwa. Kaya huwag nating sarilinin o itago ang ating mabubuting gawa, dahil magsisilbi itong huwaran lalo na ng mga kabataang naghahanap ng tunay na modelo na kanilang tutularan. Hamon ito sa mga magulang na magsilbing mabuting huwaran sa kanilang mga anak – panindigan ang kanilang sinasabi at unang magsabuhay ng kanilang tinuturo. Hamon din ito sa mga guro na magkaroon ng integridad, maging matapat sa kanilang tungkulin, hindi pumapatay ng oras at tunay na may malasakit sa kanilang estudyante. Hamon din ito sa mga preachers o mangangaral na isabuhay ang kanilang itinuturo or to walk their talk. Dahil kung puro tayo salita, pero wala o kulang naman sa gawa – para din lang tayong mataginting na pompyang na puro ingay ang lumalabas. Nakakarindi ito sa mga taong nakakarinig. At sa halip na maging ilaw, lalo mo pang pinatay ang umaandap-andap na ilaw ng mga taong nakapaligid sa’yo dahil sa dulot mong iskandalo. Mga kapatid, higit sa magagaling na mangangaral, mas kailangan ng mundo natin ngayon ang mga tunay na saksi na nagsasabuhay ng Salita ng Diyos. Sa pagsabi ng Panginoon na huwag nating sarilinin at itago ang ating mabubuting gawa – hindi N’ya rin ibig sabihin na ipangalandakan natin ito at ipag-mayabang. Sa halip, ang tahimik nating paggawa ng kabutihan nang tuloy-tuloy, kahit walang nakakakita o pumupuri sa atin, ang tanda ng ating kababaang loob na siya ring kalugod-lugod sa Diyos. Makakatugon lamang tayo sa panawagang maging maningning na ilaw sa mga taong nadidimlan, kung bubusugin natin ang sarili ng Salita ng Diyos, at Eukaristiya na Siyang pagkain ng ating kaluluwa. Panginoon, puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang makatugon ako sa panawagang maging maningning na ilaw sa mga taong nadidimlan. Amen.