Col. 1:21-23 – Slm 54:3-4,6 – Lk 6:1-5
Lk 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa taniman ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, tumutukoy ang Araw ng Pahinga sa pagtigil sa paggawa bilang pagsunod sa hinihingi ng Batas ni Moises. Sa Lumang Tipan, itinakda ni Yawe ang Araw ng Pahinga sa karangalan Niya na siyang gumawa ng Langit at lupa sa loob ng anim na araw at nagpahinga sa ikapitong araw. Ayon sa aklat ng Exodo may isa itong makataong aspeto dahil nabibigyan ng pagkakataong makapagpahinga ang mga alipin. Maraming itinakda ang Batas ni Moises tungkol sa Araw ng Pahinga. Kabilang sa mga ito ang pagbabawal na magsindi ng apoy, pangangahoy at pagluluto. Maging si Jesus, tumupad sa Araw ng Pahinga. Sa mga araw na iyon, nagtungo Siya sa sinagoga at ipinangaral ang Ebanghelyo. Pero hindi Niya sinang-ayunan ang napakahigpit na pagpapatupad dito ng mga Pariseo na nawawala na ang tunay na diwa nito. Sinabi ni Jesus, “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga pero hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.” Kapatid, sa iyong pang-araw-araw na buhay, paano ka tumutugon sa panawagang ito sa’yo ng Panginoon? Naglalaan ka ba ng panahon para maparangalan Siya sa Araw ng Pahinga? Para sa ating mga Kristiyano, ang araw ng Linggo ang itinuturing nating Araw ng Pahinga. Araw kung saan nagsisimba tayo kasama ang buong pamilya, para magpasalamat sa Diyos sa Kanyang walang-hanggang pagpapala. Banal na araw din ito para makapag-bonding ang pamilya at kumain ng salu-salo sa hapag-kainan. Higit sa lahat, mapaparangalan natin ang Diyos sa Araw ng Pahinga kung makapaglalaan tayo ng oras para sa personal na pananalangin at makagawa ng kabutihan sa kapwa. Tunay na ang kaligtasan at kapakanan ng tao ang layunin ng batas. Kaya’t ang paggawa ng kabutihan para sa kapwa lalo na sa mga nangangailangan, higit na mahalaga at isang tunay na pagpaparangal sa Diyos.